“I won’t settle for less. I deserve only the best. And that’s you.”
Namangha si Dea nang makita ang malaking ipinagbago ni Ryder. Kung noong nanliligaw pa ang lalaki sa ate niya ay mukha itong rakista na antukin at tamad—mga dahilan kaya binasted ng kapatid niya—ngayon ay lagi nang pormal ang ayos ni Ryder at isa na itong magaling na accountant. She disliked him from the start and considered him as an unwelcome intruder. Kaya naman nagulat siya sa sarili nang mag-umpisa siyang magpapansin dito.
At pinansin naman siya ng lalaki.
Sinuklian ni Ryder ng kabaitan ang bawat pagpapa-cute ni Dea. Sa bawat araw na magkasama sila ay ipinapakita ng binata na masaya ito sa piling niya. Sa loob ng maikling panahon ay tuluyang nahulog ang puso niya rito. Umasa siyang isang araw ay magtatapat si Ryder sa kanya.
Hindi naman nabigo si Dea.
Pero bakit pagkatapos magtapat ay parang bigla itong nalungkot?