“Gusto ko sanang pormal na magpaalam sa `yo. Puwede bang... manligaw?”
Iniwan si Jewel ng boyfriend na si Francis nang hindi niya alam kung ano ang dahilan. Nabalitaan na lang niya na nagpakasal ito sa ibang bansa. Labis siyang nasaktan sa panloloko nito. Ipinangako niya sa sarili na gaganti. At nakakita siya ng paraan para masimulan ang paghihiganti nang mapadpad sa kanyang resort si Fernando, ang kapatid ni Francis. Paiibigin niya si Fernando at saka iiwan. Ipalalasap niya kay Fernando kung gaano kasakit ang maloko. At sa muling paghaharap nila ni Francis, aaminin niya ang lahat habang kaharap si Fernando.
Pero habang isinasagawa ang balak, unti-unting nahuhulog ang loob ni Jewel kay Fernando. At naiinis siya sa sarili dahil sa halip na galit at paghihiganti ang naiisip kapag nakikita si Fernando, ang magaganda nitong katangian ang napapansin niya. Guwapo si Fernando, makisig. He had strong and hard-muscled chest, broad shoulders, and six-pack abs. At nang magpahayag ng damdamin sa kanya ang binata, bigla siyang nalito. Bigla, parang ayaw na niyang ituloy ang paghihiganti. Mas gusto na lang niyang mahalin si Fernando.
Pero sa pagpunta niya sa bahay nina Fernando para isakatuparan ang balak, isang malaking sorpresa ang bumulaga sa kanya na nagpabago sa lahat…