“Kailan kaya magsasabay na `yong taong mahal ko ay mahal din ako? Ah, malamang, kapag mahal mo na ako.”
Ilang bagyo man ang lumipas, ilang pagyanig ng lupa man ang nadaanan ni Abbigail, walang-wala ang mga iyon sa tindi ng pighating naranasan niya sa kamay ni Allen noong high school sila. Hinding-hindi niya makakalimutan ang kasuklam-suklam na ginawa nito sa naghihingalong love life niya! Maraming beses nang sumemplang ang balak niya na gantihan si Allen, na ngayon ay butihing alkalde na ng kanilang munisipalidad.
Kaya inutusan niya ang pinsang si Makoy na kidnapin si Allen. At sa tulong ng mga lumang kagamitan ng kanyang abuela, gumawa siya ng gayumang ipaiinom kay Allen para gawing alipin niya ang binata.
Pero hindi niya inaasahan ang biglang liko ng kanyang plano. Pinakialaman kasi ni Makoy ang gayuma. At ayon sa libro, imbes na magiging alipin niya ang binata, mai-in love ito sa kanya.
Nang magising na si Allen, nahigit ni Abbigail ang hininga sa ipinagtapat nito. Balak daw siyang ligawan! Bigla tuloy siyang naguluhan. Lalo pa at ang gwapo-gwapo ni Mayor.
Teka, sino ba ang nakainom ng gayuma? Bakit mukhang siya yata ang tinamaan?