“Tuwing nami-miss kita, tinitingnan ko lang ang mga bagay na magpapaalala sa iyo at bumabalik na sa akin ang mga panahong kasama kita.”
Inis na inis lagi si Ayeka kay Arkel, ang anak ng madrasta niya. Tila layunin nito sa buhay ang asarin at pagtawanan siya. Kung gaano ka-sweet ang mama nito, ganoon naman kasama ang ugali ng binata. At nang hindi na niya matagalan ang ugali nito, nagdesisyon siyang umalis ng bansa.
Sampung taon ang lumipas bago siya nagdesisyong bumalik. Hindi sinasadyang nagkita sila nito, natanto niyang hindi pa rin pala niya nakakalimutan ang mga kasalanan nito sa kanya. Kaya determinado siyang iwasang magsanga ang mga landas nila. Pero dahil sa isang malaking katangahang nagawa niya, napilitan siyang tanggapin na hindi niya matatakasan ito. At sa kabila ng pagtotodo-effort niya upang huwag mahulog sa charm nito, natagpuan na lamang niya ang sarili na unti-unting nahuhulog dito.
Handa na ba siyang kalimutan ang nakaraan at lahat ng mga kasalanan nito sa kanya at hayaan itong pumasok sa kanyang puso?