“Kung kailangan kong mamalimos ng pag-ibig mo, gagawin ko. Tamang-tama, may gitara ako. Shades at lata na lang ang kulang.”
Nangako si Elaine sa Maykapal na magmamadre siya pero dahil sa pag-ibig ay napilitan siyang talikuran ang pangakong iyon. Hindi niya alam kung pinarusahan siya ng Diyos dahil hindi sila nagkatuluyan ng lalaking minahal niya. Para makabayad sa ipinagpalagay niyang utang niya sa nasa Itaas, isang napakapayak na buhay ang pinili niyang tahakin. Kahit nga ang umibig muli ay hindi niya binalak. Sa halip, ang pagtulong sa kapwa ang isa sa mga naging adbokasiya niya.
Dahil doon ay nakilala niya si Axel. Iniwan itong luhaan ng nobya nito at sa kagustuhan niyang mapagaan ang pinagdaraanan nito ay tinulungan niya itong maging masaya uli. Iyon nga lang, ang pag-aliw na iyon ay napakabilis na nauwi sa pagkaaliw niya rito.
Todo-tanggi ang kalooban niya na nagkakagusto na siya kay Axel pero ganoon na nga ang nangyari.
Hindi pa siya sigurado kung muli niyang tatalikdan ang pangako sa Maykapal ay may dumating na naman na bagong komplikasyon: bumalik ang babaeng minahal nito noon…