“Nang dumating ka, nabago ang lahat. Hinayaan kitang makapasok sa buhay ko. Kahit natatakot ako… Kahit na alam kong hindi kita puwedeng mahalin, pinili ko pa rin na mapalapit sa `yo. Pinaglabanan ko `yong takot dito sa dibdib ko para lang makasama ka…”
Mula nang mangupahan sa apartment ng pamilya ni Tessa ang taxi driver na si Daboy ay kinainisan na niya ang lalaki dahil sa pagiging makulit at palaging pagpiprisinta na ihatid-sundo siya sa trabaho kahit lagi siyang tumatanggi. Hindi na niya gusto pang mapalapit uli sa kahit sinong lalaki pagkatapos siyang iwan ng ex-boyfriend niya na labis ang pagseselos sa pagkakaibigan nila ng matandang lalaki na si Alfredo.
Pero hindi nagpaawat si Daboy sa pangungulit. Nakipaglapit pa ito sa ina ni Tessa na botong-boto sa binata para sa kanya. At biglang nawala ang pagiging masungit ni Tessa nang iligtas siya ni Daboy mula sa isang holdupper. Iyon ang naging simula ng pagkakalapit nila at pag-usbong ng bagong pag-ibig. Pero sa kagustuhang magpakatotoo sa nobyo ay sinabi ni Tessa ang tungkol kay Alfredo. At kasabay niyon ay nalaman din ng dalaga ang totoong pagkatao ni Daboy… At ang koneksiyon nito kay Alfredo.