“Mula ngayon, hindi ka na mag-iisa. `Yon ay kung pahihintulutan mo akong maging kasama mo.”
Pagkatapos mabigo ni Kristen kay Drew ay pinilit na niyang mag-move on. Inasikaso niya ang pagkompleto sa mga requirement niya sa school. Subalit sa unang araw niya sa OJT ay sira agad ang araw niya. Natapunan kasi ng kape ang suot niyang jacket. Ang salarin, ang lalaking guwapo sana ngunit bastos at mayabang. Ang ikinainis niya, sa halip na humingi ito ng dispensa ay siya pa ang sinisi. Sinabi pa ng lalaki na babayaran na lang daw nito ang pagpapalaba sa jacket niya.
Ngitngit na ngitngit si Kristen. Pero pagpasok niya sa opisina ay nakita uli niya ang mayabang na lalaki. Ito pala si Caleb, ang magiging boss niya. Inaasahan na niya ang mangyayari. Magiging mahirap ang mga araw ng pagtatrabaho niya rito.
Subalit taliwas sa inaasahan niya ang nangyari. Kung umasta kasi si Caleb ay daig pa ang isang masugid na manliligaw. Nagsimulang maligalig ang puso ni Kristen.
At kung kailan nahuhulog na siya sa binata ay saka naman niya natuklasan na mayroon itong motibo. Pero sa halip na magalit ay lalo pa yata siyang na-excite. Mayroon kasi itong alok, alok na silang dalawa ang makikinabang…