He knew there’s no turning back now. He’ll be the one to get this girl.
Kasalukuyang nagpapahinga na si Sahara sa kuwarto niya nang may narinig siyang ingay sa kusina. Nang usisain niya iyon, may nakita siyang lalaki na abalang-abala sa paghahalungkat sa loob ng refrigerator niya. Sa wakas, mahuhuli na rin niya ang salarin sa pagkawala ng mga cake na ginagawa niya. Muntik na niya itong mahambalos ng dalang baseball bat kung hindi lang niya ito nakilala—si Rui, ang pasaway at mapang-inis na ex-classmate niya na animo member ng akyat-bahay gang sa galing nitong pumasok sa bahay niya.
Sa tulong ng kinakapatid niyang si Xanthe ay nasentensiyahan ito. Magiging alipin niya si Rui sa loob ng isang linggo bilang kaparusahan sa pagnanakaw nito ng mga cake niya. Pumayag naman ito kaysa makulong. Sinamantala naman ni Sahara ang pagpapahirap dito para gawing miserable ang buhay nito.
Pero sandaling natigil ang amo-alipin setup nila nang kinailangan nilang umuwi sa probinsiya nila para sa fiesta roon. Kasal din ng pinsan ni Rui na pareho nilang dinaluhan. May legend daw ang lugar ng pinagdausang reception ng kasal: ang lahat ng babaeng nakakasalo ng bouquet at ang lalaking nakakasalo ng garter ay nagkakatuluyan. Kaya ganoon na lang ang kaba ni Sahara nang masalo niya ang bouquet. At laking pagkagulat naman niya nang makitang halos makipagpatayan si Rui masalo lang ang garter.
Sa pagtataka ni Sahara, natuwa siya nang magtagumpay si Rui na masalo ang garter. Sana lang ay hindi ito nanggu-goodtime tulad ng nakagawian na nito. Tiyak na masasaktan siya—dahil hindi lang yata ang mga cake niya ang nanakaw nito kundi pati na ang puso niya.