“Hindi ikaw ang magdedesisyon kung sino ang mamahalin ko. Ako. At ikaw ang mahal ko.”
Sunod-sunod ang pagsubok na dumating sa buhay ni Lysanna. Namatay sa kahina-hinalang sirkumstansiya ang kanyang buong pamilya. At nadagdagan pa ang kalbaryo niya nang masunog ang bahay na tanging naiwang alaala ng mga magulang.
Pero nakakita siya ng pag-asa nang mabasa ang pangalan ng isang tao at address sa likod ng litrato nila ng kuya niya. Sa paghahanap sa taong iyon ay napunta siya sa tapat ng bahay ni Takumi. Pero hindi raw nito kilala ang taong hinahanap niya, sabay taboy sa kanya. Natatakot man sa lalaki, hiniling niya na makitulog kahit isang gabi lang pero hindi ito pumayag kaya napilitan siyang umalis kahit gabing-gabi na.
At sa paglalakad sa daan may dalawang lalaking nagtangkang manghalay sa kanya. Mabuti na lang at nakonsiyensiya yata si Takumi at sinundan pala siya. Iniligtas siya nito.
Biglang nagbago ang masamang impresyon niya kay Takumi. Mabait naman pala ito. Siguro ay may pinagdadaanan lang kaya tila ipinaglihi sa sama ng loob na hindi mangiti at suplado.
Kaya nang pumayag si Takumi na tumira siya sa bahay nito, ipinangako ni Lysanna sa sarili na pangingitiin niya ang lalaki. Pero hindi niya inakala na sa pakikipanuluyan sa binata ay may matutuklasan siya na magpapawala ng ngiti niya…