“Sabi ni Doc, malala na raw ako. May taning na nga raw ang katinuan ko.Pero may pag-asa pa raw. Kakatiting at parang suntok sa buwan pero kung gagawin ko ay baka maisalba pa ang katinuan ko. Mag-dinner daw ako. Kasama ka.”
Overwhelmed naman si Sara. Hindi siya makapaniwala na hinaharana siya ni Jireh, ang pasaway niyang estudyante noon, na bokalista na ngayon ng isang sikat na banda. Ang haba ng hair niya.
Para pala iyon sa segment ng isang programa sa isang kilalang network. Ganoon pa man, happy pa rin siya sa muling pagkukrus ng mga landas nila ng binata. Masaya siya na ang layo na ng narating nito. Nalaman din niyang malapit nang ikasal ang binata.
Pero bigla-bigla ay may dumating na trahedya sa buhay ni Jireh at natagpuan na lang ni Sara ang sarili na ginagampanan uli ang naging papel niya dati sa buhay ng binata noon: ang maging tagapayo—at tagakutos—sa panahong nawawalan uli ito ng direksiyon.
But this time around, something new entered the equation. Kung hindi ba naman siya kasingpasaway na rin yata ni Jireh, noon pa niya napansin na hindi lang mamang-mama na ang binata kundi isang mamang katakam-takam.
Balak ni Sara na dedmahin ang nararamdaman hanggang sa kanyang huling hininga. Pero nang si Jireh na ang magpakita ng senyales na tinatablan ito ng charm at appeal niya na hindi niya alam na meron siya, nanganib malagot ang kanyang pagtitimpi.
Pero sinampal siya ng isang masakit na katotohanan.