“Kahit kailan, hindi ko pinangarap na magmahal ng isang lalaking katulad mo. Palaging nakatapak sa realidad ang mga paa ko. Pero pinatunayan mo na kaya mong bumaba sa trono mo at mahalin ang isang katulad ko.”
Limang taon na ang nakalilipas nang iwan ni Natalia si Fredrick. Ayaw niyang makasira sa buhay nito at ayaw niyang ikulong ito sa buhay na alam niyang hindi ito magiging masaya, lalo pa’t nalaman niyang ipinagbubuntis niya ang anak nito. Pero sa kasamaang-palad, nasunog ang bahay-ampunang pansamantalang tinitirhan nila ng anak niya noong limang buwan na ito, dahilan upang magkahiwalay sila ng bata. Nawalan siya ng alaala. Nang bumalik iyon, ang unang ginawa niya ay hanapin ang nawawalang anak niya.
Sa loob ng isang taong paghahanap niya sa kanyang anak ay natagpuan niya ito… sa pangangalaga ni Fredrick. Hindi niya alam kung paano nangyari iyon. Pero isa lang ang alam niya: nais niyang mabawi ang kanyang anak at maibalik ang pagmamahal ng ama nito.
Iyon nga lang, mukhang mahihirapan siyang gawin iyon dahil ayaw na ni Fredrick sa kanya. Ayaw na nitong makita siya at malinaw na malinaw na hindi na siya mahal nito.