“Kahit kailan, mula nang malaman kong mahal kita, hindi ko pinangarap na manatiling kaibigan mo lang.”
Sa kabila ng panlolokong dinanas ni Zai sa isang lalaki, hindi pa rin niya isinara ang pinto ng kanyang puso sa pag-ibig. Tamang-tama namang nagbalik sa buhay niya ang kababatang si Verzel, ang lalaking nangako sa kanya noon na ihaharap siya sa dambana pagdating ng araw. Binigyan uli ng lalaki ng kulay at saya ang kanyang mundo.
Gayunman, nang kailanganin ni Zai si Verzel sa importanteng yugto ng kanyang buhay ay bigla na lang itong naglaho. Muli niyang tinanggap ang panibagong kabiguang iyon sa kanyang buhay at namuhay nang matiwasay, malayo sa pait ng kahapon.
Ngunit pagkalipas ng ilang taon ay muling nagkrus ang mga landas nila ni Verzel. Humihingi ang lalaki ng isa pang pagkakataong patunayan ang pagmamahal sa kanya.
Susubok ba uli si Zai sa pag-ibig? O masyado nang napagod ang kanyang puso upang magmahal uli?