“Kahit hindi na buong mundo ang ialay mo sa `kin, kahit ikaw lang, okay na okay na. You’re all I need…”
Umuwi si Cyann sa probinsiya nila para sorpresahin sana ang itay niya pero siya ang mas nasorpresa. Wala na ito sa bahay nila at hindi na rin pumapasok sa trabaho nito sa munisipyo. Sa halip ay alipin na ito sa bahay ni Anton—ang lalaking matagal nang pinangingilagan sa bayan nila. Naging biktima ang itay niya ng investment scam at ang perang nawala rito ay inutang nito kay Anton.
Noon pa man ay takot na si Cyann na dumaan man lang sa tapat ng lumang bahay na pagmamay-ari ni Anton pero napilitan siyang sumugod doon para iligtas ang itay niya. Nauwi ang engkuwentro nila ng lalaki sa isang kompromiso. Siya ang papalit sa itay niya, siya ang maninilbihan sa bahay nito.
Isang halimaw. Iyon ang bansag ng mga taga-San Fabian kay Anton. And he did look like one. Dahil sa isang malagim na pangyayari ay nasira ang mukha nito. And he also acted like one. Ang sama ng ugali nito.
Pero habang nakikilala ni Cyann si Anton ay unti-unting nababago ang opinyon niya rito, pati na ang pagtingin niya rito. Hanggang sa gulantangin na lang siya ng realisasyon na nagkakagusto na siya rito.
Pero dumating ang malaking sagabal na siyang naging dahilan para gustuhin ni Anton na lumayas na siya, hindi lang sa bahay nito kundi pati sa buhay nito.