“You did a very good job catching my brain, holding it in your hands, and never letting go of my thoughts.”
Nang magising si Avril sa ospital pagkatapos ng kinasangkutang aksidente ay ang guwapo at silver-eyed na si Dr. Draido “Drive” Ivensio Caplor ang kanyang unang nasilayan.
Sa mga araw na naka-confine siya ay hindi matatawaran ang pag-aalaga at pag-aasikaso sa kanya ng doktor. Hindi nito nakakalimutang ipaalala ang oras ng pagkain at pag-inom niya ng gamot. At kahit hindi naman naka-duty at naka-schedule ang checkup niya ay lagi itong nasa tabi niya at binabantayan siya. May mga pagkakataon pa na animo nagseselos si Drive tuwing lumalapit sa kanya ang kaibigang doktor nito.
Napaisip tuloy si Avril kung alagang-pasyente pa ba ang ipinapakita sa kanya ni Drive. Gayunman ay hinayaan na lang niya at sa halip ay in-enjoy ang paghangang nararamdaman sa lalaki. Hanggang sa unti-unti iyong yumabong at tuluyan nang mahulog ang loob niya sa guwapong doktor at makontento na lamang sa mga araw na nasa tabi niya ito.
Pero sadyang mahirap pigilan ang tawag ng pag-ibig. Kaya nagdesisyon si Avril na sundin ang sinasabi ng kanyang puso na aminin kay Drive ang totoong damdamin niya. Iyon nga lang, bago pa man niya masabing mahal niya ito ay nalaman niyang si Drive pala ay isa sa mga doktor na naging dahilan ng pagkamatay ng kanyang ina…