“Kahit ano’ng gawin mo sa `kin, kahit ibitin mo pa ako nang patiwarik, hindi ko kayang magalit sa iyo.”
“Isang prinsipe mula sa malayong bayan ang darating sa buhay mo. Magiging tagapagligtas mo siya tuwing mapapahamak ka ngunit dapat kang mag-ingat. Iwasan mo siya dahil sa bandang huli, siya ang magiging dahilan kung bakit ka lubos na masasaktan.”
Gustong matawa ni Jewel nang sabihin iyon sa kanya ng isang matanda. Malayong mangyari iyon sa katulad niyang tigasin at kilos- lalaki. Walang sinumang puwedeng umapi sa kanya sa lugar nila sa Baculong dahil may pagkakalagyan ang taong iyon.
Pero nakilala niya si Darryl. Pinabilis nito ang tibok ng puso niya, nagmistulang Jell-O ang mga tuhod niya sa titig nito, at nagawa nitong gisingin ang feminine side niya na animo comatose sa napakahabang panahon. Ang dating alistong isip niya ay tila nawawala sa huwisyo kapag nakikita niya ito. Walang dudang nahuhulog na ang loob niya rito.
Ngunit bago pa man niya maamin dito ang kanyang nadarama ay nalaman na niya na ikakasal ito sa iba. Nagkatotoo nga ba ang hula ng matanda tungkol sa isang prinsipe?