Nalubog sa utang ang pamilya ni Rochelle dahil sa pagsusugal ng kanyang papa. Bilang pambayad-utang, ipapakasal siya sa isang mayamang matanda na magsasalba raw sa kanila. Pero hindi pala niya masikmura na magpakasal sa isang lalaking amoy-lupa kaya pinuntahan niya ang mayamang kaibigang si Zach.
Sa paghahanap sa kaibigan, napadpad siya sa Palmas del Mar Paradise, isang resort sa Quezon. Pero hindi si Zach kundi ang kakambal nitong si Gelo ang naroon. Si Gelo na guwapo at hunk sana pero ubod naman ng sungit at suplado. Ito lang ang nakakaalam kung paano niya mako-contact si Zach. Hindi sinabi ni Gelo kung saan naroon ang kakambal nito kaya napilitan si Rochelle na manatili sa resort.
Habang nakakasama si Gelo ay parang nakalimutan na ni Rochelle ang unang plano. Nahuhulog na ang loob niya rito at mukhang ganoon din ang binata, mabait na kasi ito at maalaga. Pero biglang pumasok sa eksena ang babaeng minahal noon ni Gelo. Bigla tuloy siyang nagduda kung siya na nga ba ang nasa puso ng binata.