“You can’t just say good-bye to your true love, and expect yourself to get over it in an instant. It takes time to forget.”
Dakilang tagahanga si Maria ng bandang Black Spawn. Pero siyempre, sa isang grupo na binubuo ng limang miyembro, merong mas umookupa sa puso niya. Si Hyde. Ang gitarista ng banda. Ibinuhos niya ang pagmamahal kay Hyde na kulang na lang ay ipagpatayo niya ng altar at sambahin gabi-gabi.
Kaya ganoon na lang ang pagkabigo niya nang malaman na may ibang mahal na pala ang kanyang iniidolo. Ang mas masaklap, nasaksihan niya mismo ang eksena ng pagtatapat ni Hyde sa babae nito. Bad trip. Kaya right then and there, tumiwalag siya sa fandom ng gitarista at tinalikuran ang lahat ng may kinalaman sa paboritong banda.
Pero mukhang hindi pa tapos ang tadhana sa kwento nito tungkol sa kanila ni Hyde. Dahil isang araw ay bumulaga na lang sa nananahimik niyang mundo ang lalaki, demanding that she tell him where she hid his ladylove.
Mainit ang ulo niya, dahil ang ilang buwan niyang pagdidiyeta sa musika ng pinakamamahal na banda para kalimutan ang timawang Hyde na iyon, sa isang iglap ay nawalan ng silbi. Kaya imbes na ibigay ang mga impormasyong siya lang ang nakakaalam, tinakbuhan niya ang lalaki. Bahala ito sa buhay nito.
Walang balak si Maria na magpakamartir. Lalo na at muling nagbalik ang traydor niyang puso sa pagmamahal sa lalaking iniidolo.