“I want you to feel me and I want to feel you too. Puwede bang kunin ko ang lahat-lahat sa `yo?”
Si Brian—guwapo, suplado, at isang matinik na businessman. Engaged na siya kay Sofia—ang pinili ng kanyang mga magulang para pakasalan niya.
Si Jessa—prinsesa ng isang tribu sa Cordillera. Mga mata lamang niya ang nakikita dahil sa katutubong pananamit. Malayo sa sibilisasyon ang kinagisnang buhay. At anak ng naging tagapagligtas ni Brian nang muntikang mahulog sa bangin ang binata.
Nang magkaproblema sa tribu nina Jessa ay dinala siya ng kanyang ama sa Maynila at ipinakiusap na pansamantalang manuluyan sa condo ni Brian. Kahit masungit si Brian ay iminulat ng binata si Jessa sa sibilisadong pamumuhay. Kahit muntik nang masunog ni Jessa ang condo ni Brian, ginawang labahan ang bathtub nito, at niluto ang alagang karpa ay hindi man lang ito nagalit.
Sa paglipas ng mga araw ay na-realize ni Jessa na tinuruan siya ni Brian sa mga bagay na bago sa kanya, pati na ang ibigin ito; kahit alam niyang may fiancée na si Brian—si Sofia, isang sikat na fashionista. Wala siyang panama sa ganda at pagiging sosyal ng babae. Pero laking tuwa ni Jessa nang siya ang piliin ni Brian at ipaglaban sa mga magulang nito.
Noon naman dumating ang ama ni Jessa, galit na galit at binabawi na siya mula kay Brian…