If its true love, walang makakapigil sa `yo. Paano mo masasabing gusto mo ang isang tao kung hindi mo naman lalabanan ang lahat ng humarang sa inyo?
Pinalipat ka ng inn na dapat sana ay pagbabakasyunan mo. May dumating na kotse na heavy tinted ang salamin. Napataas ang kilay mo sa inis dahil siguradong ito ang dahilan ng pagkakalipat mo. At nang bumaba na ang may-ari ng kotse, ang boy band member at crush mo pala na si James ang taong iyon. Kung ikaw si Polly, ano ang gagawin mo?
a. Magtititili habang isinisigaw ang pangalan ni James?
b. Magpapa-autograph sa panyolitong dala-dala?
c. Iinom ng Sprite habang inaakit si James?
Sorry na lang si James dahil may saltik si Polly at sa halip na pumili sa mga nabanggit ay sinipa niya ang binata. Sino ba naman kasi ang hindi maaasar sa lalaking noon ay nanakit sa kanya at ngayon ay gumawa na naman ng kasalanan sa kanya? Pero bakit hindi niya mapigilan ang sarili na pagmasdan ang mas guwapo nitong mukha sa malapitan? At bakit madali niyang napatawad ang binata sa isang tingin pa lang nito? Senyales ba iyon na dapat na niyang kantahin ang Cant I Love You para sa binata?