“Ang pinakamatapang palang tao sa mundo ay iyong mga taong kayang magsabi ng ‘I love you’ kahit alam nila na wala iyong kasunod na ‘I love you, too.’”
Isang dekada nang kasama ni Reina si LA. Mula noong tumira ito sa bahay nila nang mamatay ang mga magulang nito ay naging malapit na silang magkaibigan. Itinuturing niya ito bilang idolo at knight in shining armor niya. At halos sa isang dekada na iyon ay nakadepende siya rito. Mas malapit pa nga ang loob niya rito kaysa sa mga magulang niya. Lahat ng kaya nitong gawin ay ginagawa nito at lahat ng kaya nitong ibigay ay ipinagkakaloob nito sa kanya dahil isang prinsesa ang turing nito sa kanya. Kaya nang hilingin niyang ipakilala siya nito kay Jonas—unang lalaking nakapagpakaba sa kanya, at unang nakapagpabilis ng tibok ng puso niya—ay ginawa nito.
Ngunit bakit kung kailan abot-kamay na niya ang gusto niya ay noon naman lumalayo sa kanya si LA? At bakit nasasaktan siya sa ginagawa nitong pambabale-wala sa kanya?