“Ngumiti ka nang mas madalas. Nakakaganda iyon ng mood mo… at ng mood ko na rin. Kasi masaya ako kapag nakakakita ng magandang binibini.”
Pakiramdam ni Cyann ay may karatulang nakapaskil sa noo niya. Ang nakasaad doon, “Tanga at uto-uto ako. Lokohin n’yo `ko.” Paano ba naman, palagi siyang napupunta sa mga lalaking bolero’t bulaanin.
Kaya no way and never again na ang naging drama niya matapos ang huling pagkakataong masawi uli sa pag-ibig. And voilà! Naging masaya at payapa nga naman ang kanyang buhay.
No way at never again ba, `ika niya. Natinag ang sinumpaang salaysay na iyon ni Cyann nang magkrus ang mga landas nila ni Jordan. Ito ang tipo ng lalaking pinakaiiwas-iwasan niya kaya buwisit na buwisit siya na parang ginawa na nitong misyon na pestehin siya at guluhin.
Hanggang sa matuklasan niyang hindi na siya napepeste ng lalaki. Imbes ay natatakam na. Natutukso. Nai-in love?
Halaa! Turete to the max si Cyann. Pero wala na, natibag na ang kanyang panangga nang hindi niya namamalayan. Nangangatog man ang lahat ng puwedeng mangatog sa kanya ay nagpasya siya na sige, susubok uli siya.
Pero kanta ng Aegis pala uli ang aawitin niya.
“Akala ko ikaw ay akin, totoo sa aking paningin. Ngunit nang ikaw ay yakapin, naglalaho sa dilim…”