“Hindi naman natin kailangang mag-celebrate ng monthsary. Taon ng pagsasama natin ang gusto kong bilangin, hindi buwan.”
Masaya na sana si Mikaela sa relasyon nila ng kasintahang si Paris kung hindi lang isang araw ay bigla na lang itong naglaho na parang bula, walang iniwan ni isang salita. Mula noon ay isinumpa ni Mikaela na hindi na iibig at magtitiwalang muli sa mga lalaki. Itinuon niya ang atensiyon sa pagsusulat ng nobela. Nagbunga ang pagsisikap niya nang mapili ang kanyang libro na isapelikula. Iyon ang daan para muli niyang makita si Em, ang kababata at dating kaibigan. Ito ang direktor ng isasapelikula niyang nobela. Lingid sa kaalaman niya ay isa pala si Em sa mga masugid niyang fans. Wala siyang book signing na hindi pinuntahan ni Em. Inamin ng binata na matagal na siya nitong itinatangi. Ngunit hindi pa handang magmahal uli si Mikaela. Naunawaan naman siya ng binata. Handa raw itong maghintay kung kailan niya ito puwedeng mahalin.
Hindi tumigil si Em sa pagpapadama kung gaano siya kaespesyal dito. Kay Em nadama ni Mikaela kung paano mahalin at pahalagahan bilang babae. Sinagot niya ang binata. Subalit parang may kulang. Naisip niya, baka kailangan ng closure sa pagitan nila ni Paris. Lingid sa kaalaman ni Em ay nakipagkita siya kay Paris. Ngunit nang makuha na niya ang closure ay parang may kulang pa rin. Nang muli siyang makipagkita kay Em, mayroon siyang isang bagay na napagtanto na siyang magpupuno sa kakulangan sa kanyang buhay…