“Bago o lumang lugar man ang puntahan natin, nagiging espesyal `yon dahil kasama kita.”
Matagal nang hiwalay si Leah sa kanyang asawang si Jake. Naisip niyang sapat na ang limang taong malayo sila sa isa’t isa upang tuluyang putulin nila ang ugnayan nilang dalawa. After all, wala na siyang nararamdaman pa para dito kundi galit. Sinabi niya ritong nais na niyang mag-file ng annulment. Agad umuwi si Jake mula Australia upang magkausap sila.
Pero nang muling magkita sila, pakiramdam niya ay nanumbalik uli ang nararamdaman niya para kay Jake. Idagdag pang ayaw nitong makipag-annul sa kanya at gagawin daw nito ang lahat upang bumalik siya rito. Niligawan uli siya nito.
At sa mga panahong nakasama niya ito, nasiguro niyang mahal pa rin niya ang kanyang asawa. Pero sapat na ba ang ipinapakita ni Jake at ang pagmamahal niya rito upang kalimutan ang trahedyang sumira sa kanilang samahan?