Sa dami ng responsibilidad ni Wilma sa buhay, dagdag gastos lang ang tingin niya sa pagkakaroon ng boyfriend, hanggang sa ma-meet niya ang heartthrob ng Puerto Galera na si Jeric. Iniligtas kasi siya nito sa dalawang lasing na pinagbalakan siyang gawan ng masama. At dahil sa trip ng team leader niyang si Iveth sa larong Truth or Dare, si Jeric tuloy ang naging first kiss niya, in her 25 years of existence.
Nang inakala niyang maiiwan na lang sa Puerto Galera ang mga kahihiyang dinanas niya kasama si Jeric, parang gusto niyang himatayin nang malaman niyang pamangkin pala ito ng may-ari ng inuupahan niyang apartment. At magiging bagong kapitbahay niya ito!
Lalong gumulo ang sitwasyon nang magkagusto kay Jeric ang kapatid niyang si Glaiza. Ayaw na ayaw pa naman niyang nasasaktan ang kapatid niya. Eh, paano naman ang puso niya?