“Pakakasalan kita. Ikaw lang ang babaeng nagmamay-ari ng puso ko. Ikaw lang ang nagmamay-ari sa `kin. Mahal na mahal kita.”
Tinulungan si Jendy ng kanyang mga kaibigan na maibalik ang kanyang alaala ngunit parang may itinatago pa rin ang mga ito sa kanya. Ano iyon? At sino kaya ang lalaking halos gabi-gabi niyang napapanaginipan? Hindi niya makilala ang lalaki dahil wala itong hitsura sa kanyang panaginip. Pero may kutob si Jendy na ang lalaking iyon ay may malaking bahagi sa kanyang nakaraan na hindi na niya matandaan.
Kasabay ng pag-alam ni Jendy sa katauhan ng lalaki sa kanyang panaginip ay ang pagsulpot ng mystery guy na pinangalanan niyang “Mr. Sulat.” Lagi kasing nagpapadala ng sulat ang lalaki. Sa sulat ay para bang kilalang-kilala siya nito.
Sa birthday concert ni Jendy, habang kumakanta siya sa concert ay nag-flashback sa kanya ang mga pangyayari apat na taon na ang nakararaan. Si Mr. Sulat ang lalaking nawalan ng tiwala sa kanya, ang dahilan ng aksidente niya, at ang lalaking pinakamamahal niya—walang iba kundi ang best friend niyang si Rassel.
Lumayo sa kanya si Rassel dahil na konsiyensiya sa nagawang kasalanan sa kanya ngunit nagbabalik para tapusin na ang pagiging mag-best friend nila at simulan ang relasyon nila bilang mag-asawa.
Nang mismong araw na iyon ay niyaya siyang magpakasal ni Rassel. Agad niyang tinanggap ang alok nito dahil hindi man niya lubusang naaalala ang binata ay hindi naman nakalimot ang kanyang puso sa damdamin niya para kay Rassel.