Kahit ilang ulit mo akong itulak palayo sa `yo, patuloy pa rin kitang mamahalin. Dahil kahit nasasaktan na ako, alam kong sa `yo lang ako liligaya.
Lumaking mahirap ngunit may mataas na pangarap si Derang. Ang gusto niya ay makatapos ng pag-aaral at makapangasawa ng mayaman, subalit iba ang plano ng tadhana para sa kanya. Umibig siya kay Ikeng na isang pangkaraniwang magsasaka at pinili ang pag-ibig na iyon kaysa sa pagtupad ng kanyang pangarap.
Hindi naman nagsisisi si Derang at naging masaya siya sa buhay na pinili. Hanggang dumating ang isang malaking unos na sumubok sa pag-iibigan nila ng lalaking minamahal. Ang dating matamis na pagmamahalan nila ni Ikeng ay nauwi sa matinding galit na naging dahilan upang sila ay magkalayo.
Sa muli nilang pagkikita natanto niya na walang nagbago sa damdamin niya para sa lalaki. Ngunit paano magkakapag-asa ang kanilang dating pagmamahalan kung ang lalaking iniibig ay kimkim pa rin ang galit para sa kanya?