Puno ng agam-agam ang puso ni Annalor ngunit determinado siyang mamalagi sa Paraiso Almonte para kay Dave. At para na rin sa kanya.
'You are invading my privacy Hindi na allowed ang guests sa lugar na ito."Parang dagundong ang tinig na nagmula sa kanyang likuran.
Napalunok siya. Kahit na hindi niya lingunin ay hindi niya maipagkakamali sa iba ang tinig na iyon. Buwan ang inabot mula nang huli niyang makita ang kanyang asawa.
Bigla ang pag-iinit ng mga sulok ng kanyang mga mata. Ang nasa harap niya ay malayo sa Dave na nakilala niya noon. Ang anyo nito ay hapis na hapis. Ikinurap niya ang kanyang mga mata. Gaano man kalaki ang pagbabago sa anyo nito ay hindi pa rin nagmamaliw ang pag-ibig niya rito. At ganoon na lang ang pagpipigil niya para huwag itong abutin at yakapin nang mahigpit.
"Dave..." Halos bulong na lang ang tinig na umalpas sa kanyang lalamunan.
Ngunit sa wari ay dinala iyon ng hangin sa pandinig nito. Tumiim ang tilig nito sa kanya at saka nagtagis ang mga bagang.
"Sino ka?" mariin nitong tanong.