“Wala kang dapat patunayan. Maraming beses mo nang ipinakita, pinaramdam pa nga, kung gaano na kalaki ang lugar ko diyan sa puso mo. Pati sa buhay mo.”
Walang pakialam si Kimberly sa hitsura niya. Malalaking damit, pantalon, at sneakers ang nakasanayan niyang getup. Wala rin siyang pakialam kung tinatawag siyang “tomboy” ng mga nakapaligid sa kanya.
Pero nang makilala niya si Clifford Salvatore, natuto siyang mag-set ng standards para sa kanyang “ideal man”—tall, dark, handsome, and smart. At isa lang naman ang pinatutungkulan ng standards na iyon—si Clifford. At lihim na nagpapasalamat si Kimberly sa binata. Dahil kasi rito, nag-iba ang pananaw niya sa buhay at naiba rin ang tingin sa kanya ng ibang tao.
Siya na ngayon si “Miss Conservative Hot Babe.” Bilang lihim na pasasalamat, “pinadadalhan” niya ng mumunting regalo si Clifford—chocolates, flowers, maiikling tula, love letters at kung anu-ano pa.
Ngunit sabi nga walang lihim na hindi nabubunyag. At isa na roon ang lihim ni Kimberly. Ang dati niyang tahimik na mundo at papaganda na sanang personality, biglang nasira nang isang “baliw” din kay Clifford ang nagbunyag ng mga lihim niyang pagpapadala ng regalo, maging ang lihim niyang pag-asam na sana ay mapansin ng binata.
At tulad ng ilang baliw kay Clifford, tinalikuran lang din siya ng binata at hindi na pinansin pa.