Hindi ko maipapangako na magagawa kong tumigil sa simpleng halik.
Pagod na sa buhay-mahirap si Roxy, lalo nat hindi lang naman ang sarili ang kanyang binubuhay. Kaya nang aminin ng kanyang naghihingalong ina na isang bilyonaryo ang kanyang ama, naisip niyang iyon na ang kasagutan sa kanyang mga problema. Dala ang bungkos ng mga sulat na ginawa ng kanyang ama para sa kanyang ina ay lumapit agad siya sa isang abogado para makuha ang kanyang claim na mana.
Si Michael Trillio ang nalapitan niyang abogado. Pero hindi naging maganda ang unang engkuwentro nila dahil bukod sa hindi ito naniniwala sa kuwento niya ay inakusahan pa siyang gold digger at manggagantso. Nagalit siya at nag-walk out. Pero biglang sumulpot ang abogado sa pinagtatrabahuhan niya at sinabing tinatanggap na ang kaso. Sa tulong ni Michael ay nalaman ni Roxy ang katotohanan sa tunay niyang pagkatao. Ngunit kasabay niyon ay unti-unti rin niyang nakilala ang abogado. Nahaluan ng personal ang propesyonal nilang relasyon nang habang tumatagal na magkasama sila ay may nabuong atraksiyon sa pagitan nila.
Pero paano kapag tapos na ang kaso niya at kailangan na nilang maghiwalay?