Ang importante sa `kin ay ang marinig na mahal mo rin ako. Sapat na `yon
Hindi matanggap ni Martha ang nasaksihang pagtataksil ng sariling ina kaya nagpasya siyang umalis kasama ang kapatid. Nagtungo sila sa mango orchard ng kanyang lolo. Doon ay nakilala niya si George, anak ng isa sa kanilang kasambahay. Dahil sa sama ng loob ay niyaya niya si George na maglasing; at hindi sinasadyang may mangyari sa kanila. Dahil sa pagrerebelde ay pumayag agad siyang magpakasal kay George sa kabila ng pagtutol ng kanya-kanyang mga pamilya.
Pero gaya ng inaasahan, hindi nagtagal ang kanilang pagsasama at umalis si Martha patungo sa ibang bansa. Naiwan at labis na nasaktan si George na matagal na palang umiibig sa kanya kahit nalaman ng lalaki na ginamit lang niya ito upang pasakitan ang sariling ina.
Makalipas ang sampung taon, bumalik sa Pilipinas si Martha. At sa kanyang pagbabalik ay kailangan niyang makipagkita sa asawa upang maisaayos ang pagpapawalang-bisa ng kanilang kasal. Kasabay nito ang isang sorpresang kanyang dala na maaaring magpabago ng desisyon nilang pareho na maghiwalay na nang tuluyan. Pero mangyari kaya iyon kung sa kanilang pagkikita ay malaman ni Martha na may iba nang babaeng gustong pakasalan si George?