Walang brake ang pag-ibig. Hindi siya puwedeng basta na lang huminto kapag nasa rurok na ng flyover. Gaya ng hindi agad makakahinto sa pagtibok ang puso niya kapag tuluyan nang umusbong ang pag-ibig doon.
Sa sobrang sama ng loob ni Snow sa kanyang ama ay naglayas siya. Pero nang gabi ring iyon ay minalas siya. Mabuti na lang at may dumating na tulong sa katauhan ng jeepney driver na si Wyatt.
Pero teka, hindi pa rin iyon maituturing ni Snow na mabuti dahil si Wyatt ay hindi lang basta mayabang kundi hambog ding lalaki. Oo, pinatuloy siya ni Wyatt sa bahay nito pero inakusahan naman siya ng lalaki na balak niya itong pikutin.
Duh! Kung hindi siya type ni Wyatt ay hindi niya rin ito type.
Pero bakit hindi niya makuhang umalis sa poder ng binata?