Kahit hindi ikaw ang pinaka-striking sa buong mundo, naka-strike ka naman dito sa puso ko.
Hindi umuulan ng niyebe sa Pilipinas subalit ipinaranas iyon ni Zola sa mga lalaking naghahabol sa kanya sa lamig ng pakikitungo niya sa mga lalaki.
Ngunit exemption to the rule si Satur. Tunog-planeta man ang pangalan, nakakatunaw naman ng puso ang sipag at tiyaga na makuha ang oo ni Zola harangan man ng sibat ng katarayan at espada ng kasupladahan ng dalaga. And take note, liligawan din daw ni Satur ang ngiti niya. Dapat ay exclusive lang daw iyon para dito.
Gustong-gusto mang papasukin ni Zola si Satur sa kanyang puso, ngunit may isang malaking sekreto siya ng nakaraan na maaaring magpabago ng tingin nito sa kanya. Worse, madadamay pati ang damdamin ng lalaki para sa kanya.
At mas pipiliin ni Zola na isara ang kanyang puso kaysa habang-buhay na kamuhian ng lalaking natutuhan na niyang mahalin.