Tuwing gusto ko nang sumuko, iniisip lang kita. Iniisip ko lang na niyayakap mo ako. And I came back for you. All because of you.
Tuwing Biyernes ay inaabangan ng disisais anyos na si Mira ang sasakyan ni Kieran Avicenna, ang nag-iisang anak ng may-ari ng lupang kinatitirikan ng bahay nila. Kapansin-pansin ang pagiging maputla ni Kieran at lagi ring malayo ang tingin nito. Na-curious si Mira kaya mula sa pagtanaw-tanaw ay gumawa siya ng paraan para makalapit sa binata at mapansin nito.
Naging magkaibigan naman sila.
Dinala ni Mira si Kieran sa mga lugar na lagi niyang pinupuntahan. At tuwina ay nakikita niya ang tuwa sa mga mata ng binata tuwing magkasama sila. Dahil doon kaya araw-araw siyang nasasabik na makita niya ito at makasama. Unti-unti na nga yatang nahuhulog ang damdamin niya rito.
Pero biglang umalis si Kieran nang hindi nagpapaalam sa kanya.
Pagkalipas ng siyam na taon ay muling nakita ni Mira si Kieran. Malaki na ang ipinagbago nito. Pero hindi lamang ito ang nagbago. Dahil kahit nalaman ni Mira ang totoong dahilan ni Kieran sa biglaang pag-alis nito noon ay iginigiit naman ng puso niya na kalimutan si Kieran dahil baka muli na naman siyang masaktan.