Ayokong sabihin na mahal kita, dahil sa huli ay mga salita lang ang mga iyon para sa akin. Mga salitang hindi ko kailanman pinaniwalaan. Ang alam ko lang ay gusto kitang makasama. I want to try and make this work. Whatever this is. Puwede na ba `yon sa `yo?
Naunsiyami ang pinapangarap na kasal ni Cassie dahil sa pagtataksil ng nobyong si Lance. Iyon ang dahilan kung bakit naipangako niya sa sariling hinding-hindi na siya maniniwala sa pag-ibig. Hinding-hindi na niya hahayaang masaktan uli. Kaya isang relasyong panandalian na lang ang papasukin niya.
Walang pag-ibig. Walang commitment. Walang sakit.
Ang kailangan lang gawin ni Cassie ay makahanap ng isang lalaking katulad niya na wala ring intensiyong magseryoso sa isang relasyon. Tila dininig naman agad ang kanyang panalangin dahil isang insidente ang nagtulak sa kanya upang sumakay sa sasakyan ng isang makisig na lalaki na walang iba kundi si Jace Rivas, ang infamous heartthrob noong high school days nila.
Ngunit hindi na ang patpatin at tila galit sa mundong binatilyo na sinusundan-sundan niya noon sa eskuwelahan si Jace Rivas. Mayaman na ang lalaki, saksakan ng guwapo, at punong-puno ng karisma. Kabaliwan sigurong maituturing ngunit natagpuan na lang ni Cassie ang sarili na nakakulong sa mga bisig ni Jace at pumapayag na makapiling ito nang isang gabi.
Ang gabing iyon ang naging simula ng isang panandaliang relasyon kung saan kapwa nila alam na matatapos din sa pagbalik ni Jace sa ibang bansa.
Pero bakit tila ayaw ni Cassie na mangyari iyon?