“I’m planning to stay here, Sonia.”
Parang bombang sumabog iyon sa pandinig ni Sonia. Bumalik daw sa Pilipinas si Hector upang tulungan siyang patakbuhin ang rancho niyang nalulugi na. Siya at si Hector, sa Rancho Velasquez? Silang dalawa lang? Hindi maaari.
Halos isang dekada na ang nakalipas mula nang huli silang nagkita. At ngayong nagbabalik ang lalaki, parang multong bumalik din sa kanya ang nakaraan. Noong sixteen pa lang siya, noong nagtapat siya ng pag-ibig… at i-reject siya nito at iwan para bumalik sa Amerika.
Hindi na uli hahayaan ni Sonia na mahulog ang loob kay Hector. Wala siyang pakialam kung lalo itong gumuwapo at kumisig. Hindi rin niya papansinin ang pagbilis ng tibok ng puso kapag nasa malapit lang ito.
Pero parang may iba pang dahilan si Hector kaya nagbalik sa buhay niya. Naging sweet at extra caring ito. Ipinalasap din nito sa kanya ang isang bagay na inakala niyang hanggang sa panaginip lang mararanasan, ang mahalikan ng binata. Hindi tuloy niya maiwasang isipin na baka may pagtingin din ito sa kanya.
Pero posible ba iyon, gayong sa umpisa pa lang ay alam na niyang “bawal” silang magmahalan?