Autumn was born with a congenital heart disease. Kaya ganoon na lang ang tuwa niya nang mabigyan siya ng pagkakataon na makapagpaopera sa ibang bansa. Pero nang magbalik siya sa Pilipinas, bigla namang nakipaghiwalay ang boyfriend niya. At dahil hindi nakayanan ang pagiging brokenhearted, naisipan niya na tapusin na ang lahat.
Pero isang estranghero ang nagligtas kay Autumn. Bukod sa hindi napasalamatan ang lalaki, hindi niya nakita ang mukha nito at hindi rin nalaman ang pangalan. Pero naging palaisipan sa kanya ang huling sinabi ng lalaki: “Hindi ka puwedeng mamatay.”
Pagkalipas ng ilang buwan ay naka-move on na si Autumn. Noon naman niya nakilala si Dustin Ruiz—ang mayaman at guwapong doktor na may-ari ng bahay na isang renovation project ng pinagtatrabahuhan niyang kompanya bilang interior designer.
May mga bagay na hindi maintindihan ni Autumn. Para kasing matagal na niyang kilala ang lalaki, lalo na nang maging malapit pa sila sa isa’t isa. Hanggang tuluyan na siyang ma-in love kay Dustin. Naging masaya ang relasyon nila, lalo na at inalok pa siya nito ng kasal.
Hindi man nagsasabi ng “I love you” si Dustin, tanggap iyon ni Autumn. Ang hindi niya kayang tanggapin ay ang tunay na dahilan ng pakikipaglapit nito sa kanya.