Ayoko nang maging duwag, ayoko nang maging hangal. Pero higit sa lahat, ayoko nang saktan o makitang nasasaktan ang pinakaimportanteng babae na siyang natatanging dadalhin ko sa altar.
Geek na, maton paang dalawang katangiang unang mapupuna kay Georgina Marasigan. Ngunit sa kabila ng pagiging palaban, may nakatago rin pala siyang kalambutan. Dahil ang babaeng maton, marunong ding ma-in love! Ang problema nga lang, hindi matukoy ni Georgina kung totoo o hindi si Jordan dahil sa panaginip lang niya nakilala ang lalaki.
Hanggang sa magkrus ang mga landas nila ng guwapong businessman na ang pangalan ay Jordan Silva! Nabuhayan ng pag-asa si Georgina. Gustong-gusto niyang makilala at maging malapit sa dream man ngunit ang tanging makakatulong sa kanya ay ang taong kinasusuklaman niya sa buong mundo: Si Rasty Chua, isang lalaki na walang ginawa kundi ang painitin ang kanyang ulo, isang peste na minsan nang ginulo ang maliit at tahimik niyang mundo.
Magtagumpay kaya si Georgina na makilala kung sino si Jordan?