“Ang alam ko, nahulog na ang loob ko sa `yo bago mo pa hiniling na sana, magkagusto ako sa `yo.”
Hindi makapaniwala si Kathleen na nagawa siyang ipagkasundo ng Lolo Gaston niya sa isang lalaking ni minsan ay hindi pa niya nakikita. Dahil doon, naisipan niyang maglayas. Lalayo muna siya nang maisip ng lolo niya na imposible ang gusto nitong mangyari.
Pakiramdam ni Kathleen, mula nang lumayas siya ay nagsunod- sunod na ang kamalasan niya. At ang pinakamalala sa lahat ng kamalasang nasuungan niya ay nang makilala niya si Thirdee, ang nagmamay-ari ng “pagkamahal-mahal” na sasakyang nadisgrasya niya. Nang makilala niya ito, kinailangan din niyang magtago para makaligtas sa mga taong gustong pumatay rito.
Napilitang sumama si Kathleen kay Thirdee sa isang tagong isla para na rin sa kaligtasan nila. Sa isla, nakilala niya ang totoong Thirdee—mabait, mapagmahal sa magulang, at sweet. Pero sa kabila niyon, inamin nitong takot itong pumasok sa isang seryosong relasyon. Sabi nito, para na rin daw nitong inilagay sa bingit ng kamatayan ang babaeng mamahalin nito.
Pero ang makulit niyang puso, umibig pa rin dito. Mas gusto pa yata niyang lumapit sa mga taong humahabol sa kanila at kusang magpabaril sa mga ito kaysa layuan si Thirdee…