Ako si Frankie, anak ng Pasig. Ang kasaysayang ito ay naganap noong mil novecientos noventa y siete. Sa isang malamok na hardin ko unang nasilayan ang hubo’t hubad na binata.
Napakakisig niya. Nalaglag ang puso kong sawi.
Siya raw si Tariq, prinsipeng nagmula sa ibang daigdig. Isinumpang maging palaka at sa mahabang panahon ay namalagi sa naturang hardin.
Kung ganoon, ito ay isang fairy tale.
Subalit… ngunit… datapwat… hindi ako ang bida sa kasaysayang ito. Hindi ako ang humalik sa palaka kung kaya siya naging prinsipe.
Si Princess `yon, ang echosera kong kamag-aral noong high school. Siya ang itinakdang maging happy ever after sa piling ng prinsipe. Hindi ako.
Ako ang sawi ever after, umiibig sa lalaking hindi magiging akin kailanman. Iyon ang akala ko.
Hanggang sa nahawakan ko ang batong Malefica…