“Alam kong mali na mahalin ka pero hindi ko napigilan ang sarili ko. Kahit anong pilit ko, nagkukumawala pa rin ang damdamin ko sa `yo.” Perfect. Iyan ang deskripsiyon ni Charm sa relasyon nila ng nobyong si Evan. Kaya naman ikinabigla niya nang labis nang isang araw ay tinangkang makipaghiwalay sa kanya ng nobyo. At nang mga panahong “on the rocks” ang relasyon nila ni Evan, isang Lucky de Guzman ang bigla na lang sumulpot sa buhay niya. Labis ang pagkainis na kanyang naramdaman sa lalaki. Bukod kasi sa napakakulit, hindi nagustuhan ni Charm ang pagsunod-sunod nito sa kanya saan man siya magpunta. Subalit nang sunod-sunod na kamalasan ang dumating sa dalaga, si Lucky ang tanging taong dumamay at tumulong sa kanya. Doon unti-unting nagbago ang pagtingin ni Charm kay Lucky. Hanggang sa namalayan niya na unti-unti na ring napapalitan ni Lucky ang puwang ni Evan sa kanyang puso. At kung kailan handa na siyang aminin kay Lucky ang tunay na nararamdaman, saka naman niya natuklasan na ang lahat ng ipinakita ni Lucky ay pulos pagpapanggap lang.