Mahal din kita, sobra-sobra pa sa inaakala mo.
Sa mahigit sampung taong paninilbihan ni Therese bilang personal alalay ni Cedric Yun ay kilalang-kilala na niya ang lalaki. Isa itong certified monster na nag-aastang prinsipe at walang ibang ginawa kundi alilain at asarin siya. Tuwing magkasama sila ay daig pa ni Therese ang naha-high blood dahil sa pasaway na amo.
Dahil sa kagustuhang makapag-aral sa isang magandang unibersidad at makawala sa anino ng pasaway na si Cedric ay pinili ni Therese na tanggapin ang offer ng kanyang tiyahin na nasa ibang bansa.
Ngunit biglang naging mabait sa kanya si Cedric. Hindi na ito kagaya ng dati na halos lumabas na ang mga pangil tuwing sinisigawan siya.
Napakaguwapo na tuloy ni Cedric sa paningin ni Therese, lalo nat napapadalas ang pagngiti ng binata. Hanggang sa hindi sinasadyang nahulog ang loob niya kay Cedric matapos makita ang kabutihan sa pagkatao nito.
Ngunit nang aminin na ni Therese sa sarili na mahal na niya ang amo ay saka biglang nagulo ang kanyang isip at mga plano sa sarili. Tama ba na manatili siya sa tabi ni Cedric kagaya ng ginawa niya sa nakalipas na mga taon? O kailangan na niyang iwan ang binata at piliin ang magandang oportunidad na naghihintay sa kanya sa ibang bansa?