One day I just woke up with my heart beating faster than usual when I think of you, and fastest when I am with you.
Hindi puwedeng makipag-boyfriend si Ayana habang nag-aaral pa. Iyon ang batas na ipinatutupad ng mga magulang niya na kahit hiwalay na ay hindi pa rin niya matakasan. Katunayan ay ipinadala siya ng mga ito sa probinsiya ng San Ignacio upang doon mag-aral pagkatapos malaman ang lihim niyang pakikipagrelasyon sa kababata at kapitbahay na si Martin.
Upang mawala sa isip ang paghihiwalay nila ni Martin ay minabuti ni Ayana na abalahin ang sarili sa pagsusulat ng mga kuwento sa lilim ng punong acacia sa loob ng campus. Sa tambayan na iyon niya nakilala si Rion, na hanggang sa maglaon ay naging kanyang kaibigan.
Pero isang araw ay bigla na lang nagtapat si Rion ng damdamin kay Ayana. At dahil may pinanghahawakang pangako kay Martin ay tinanggihan niya ang binata, na sa halip na sumuko ay humingi ng panahon upang patunayan ang sinseridad ng damdamin.
Pagkatapos ng isang buwan ay nahulog nang tuluyan ang loob ni Ayana kay Rion. Ang problema, pagkatapos din ng hininging oras ay bigla na lang umalis ang binata nang walang paalam.