Ilang labi na ang umangkin sa kanyang mga labi. Pero ang halik lamang ni Morris ang kanyang pinakamimithi.
Seven years old lamang si Julia nang iwan siya ng kanyang mommy sa isang boarding school. Sa musmos na puso ay nakaramdam siya ng pagrerebelde. Tuloy ay palagi na lamang siyang umiiyak, at halos karamihan ng estudyante sa boarding school ay ayaw sa kanya dahil sa pagiging mataray at iyakin.
Hanggang isang araw ay may batang lalaking lumapit kay Julia at binigyan siya ng lollipop. Hindi agad tinanggap ni Julia ang lollipop at sa halip ay itinanong sa bata. Why are you wearing eyeglasses? `Di ba, matatanda lang ang gumagamit niyan?
Tumawa ang batang lalaki. Before Ill answer your question, kunin mo na `tong lollipop. Sige na, bata. Masarap `yan. Ngumiti ang batang lalaki, nakita tuloy ni Julia ang mga ngipin nitong sira-sira.
Ang batang iyon ay si Morris.
Si Morris na lumaking hindi lang guwapo at matalino kundi nakatakdang magkaroon ng malaking bahagi sa buhay ni Julia.
Ang lalaking magpapabago ng pananaw niya sa buhay ang lalaking hanggang sa pumuti na ang kanyang buhok ay mananatili sa tabi niya.
At iyon ay nagsimula lamang sa jar of hearts and lollipops.