Hindi ka pa yata talaga nakaranas na umibig. `Yong klase ng pag-ibig na wala ka namang sakit pero nagpapalambot ng mga laman at buto mo. `Yong hindi ka naman baliw pero kung ano-anong bagay ang naiisip mo. `Yong pag-ibig na kahit gaano kasakit, patuloy mo pa ring yayakapin at paulit-ulit mo pa ring babalikan.
Hindi naniniwala si Koko sa kahit anong uri ng panghuhula. Kaya nang isang clairvoyant ang nagsabi sa kanya na may kinalaman ang barahang Jack of hearts sa kanyang magiging kapalaran ay inismiran lang niya iyon at ipinagkibit-balikat.
Pero para namang nanunukso ang tadhana dahil dumating sa buhay ni Koko si Jack. Hindi niya alam kung masama, mabuti, o nakakikilig ang magiging buhay sa pagdating nito. Pero sa paglipas ng panahon, unti-unting nagiging malinaw sa kanya ang role ni Jack. Diyata at ipinadala ito para maging pampakilig sa natutulog niyang puso.
Happy ending? Malabo. Kasi si Jack, patay na patay sa ibang babae. Ang Hudas!
Naloko na.