Pagkatapos iwan si Atheene sa altar ng lalaking pakakasalan niya ay hindi na uli siya nagmahal. Beinte-nuwebe anyos na siya pero single pa rin siya. Naaalarma na sa love life niya ang Lola Betsy niya kaya niregaluhan siya nito ng isang masuwerteng antique statue ng Greek goddess na si Artemis. Masuwerte raw ang estatwang iyon. Baka raw sa tulong niyon ay magkaroon siya ng isang masayang pamilya.
Isang araw pa lamang na napapasakamay niya ang Artemis statue ay naging sunod-sunod na ang gulo sa buhay niya. Natagpuan niya sa loob ng bahay niya ang sikat na model na si Xavian Fortez. Nahuli niya ito sa aktong nanakawin ang estatwa. Wala raw itong balak na saktan siya. Ang gusto lamang nito ay mabawi ang estatwa na ayon dito ay pag-aari ng mama nito.
Well, hindi siya naniwala rito. Mahirap na, baka may dangerous weapon ito at gamitin nito iyon sa kanya. Kaya bago pa siya mahalina sa kaguwapuhan at kakisigan nito ay siya muna ang mananamantala rito.