“Simple lang naman ang gagawin mo. Love me. Ang dali lang, `di ba?”
Ilang oras pa lamang nakakabalik sa Pilipinas si Ana Karina ay pinasok na siya ng isang lalaki sa kanyang silid. Hindi siya pumayag na basta na lang matalo ng isang intruder kaya nanlaban siya. Hinataw niya ng vase ang ulo ng lalaki. Habang walang malay ito, nalaman niya na hindi pala ito intruder talaga. He was Daryll Agoncillo, her best friend’s boyfriend. Dinala niya ito sa ospital dahil mapapatay siya ng kaibigan niya kapag nagawan niya ng malalang pinsala ang boyfriend nito.
Mula nang araw na iyon, nag-iba na ang ikot ng kanyang mundo dahil kay Daryll. Nagulo ang maayos na buhay ni Ana Karina. Nakakalimutan niya ang mga suliranin kapag kasama niya ito. Lalo niyang nakilala ito at mas napalapit sila sa isa’t isa. Unti-unti nang nahuhulog ang loob niya sa binata pero pinigil niya ang sarili na tuluyang umibig dito. Ang lalaki ay pag-aari ng kanyang matalik na kaibigan at hindi niya maaatim na mang-agaw ng kaligayahan ng iba. Kahit masakit sa kanya ay kalilimutan niya ang kakaibang damdamin na umusbong sa puso niya para kay Daryll.
But how long would she be able to fight love?