“Sabi ko na nga ba at may itinatago kang pagnanasa sa akin. Magtapat ka na lang kasi at nang hindi ka nagkakaganyan. Malay mo, sagutin kita.”
Battered wife si Emily pero dahil sa tulong ng mayamang kaibigan niya na si Belle—may-ari ang babae ng isang malaking kompanya—ay nakalaya siya mula sa mga kamay ni Rocco, ang lalaking nagpapahirap sa buhay niya. At mula sa pagiging isang mahinang babae ay pinalakas ni Emily ang sarili at nagpasyang maging personal bodyguard ni Belle nang malagay sa kapahamakan ang kaibigan. Maayos sana ang trabaho niya kung hindi lang nangailangan ng dagdag seguridad ni Belle at kunin nito ang serbisyo ni Bill. Unang kita pa lamang ni Emily sa lalaki ay hindi na niya ito gusto. Wala siyang tiwala sa abilidad nito kaya inis na inis siya nang kinailangan pa nilang magtrabaho as partners. Pero dahil doon kaya nakilala niya ang totoong pagkatao ni Bill. Naging malapit sila sa isa’t isa hanggang sa tuluyang nagbago ang tingin niya sa lalaki. Ngunit kasabay ng pag-usbong ng espesyal na pagtingin kay Bill ay ang matinding takot sa dibdib ni Emily. Paano niya bibigyan ng pagkakataon ang puso na muling magmahal kung pag-ibig din ang sumira sa kanyang kahapon?