“Iba pa rin ang pakiramdam ng yakap ng isang lalaking nagmamahal sa iyo at handang pakisamahan ka habang-buhay. `Yong kahit magunaw ang mundo, alam mong may isang taong hahawakan ka sa kamay at ibubulong sa iyo na he’s with you until the end.”
Nasa high school pa lamang sila noon ay may lihim nang pagtingin si Candy kay Elliot. Kaso, ibang babae naman ang gusto ng mokong, si Aleli. Masaklap man ang naging kapalaran ni Candy ay tinanggap niya na lamang na hanggang kaibigan lang siya ni Elliot.
Lumipas ang maraming taon at nang nagkaroon si Candy ng pagkakataon na mapalapit kay Elliot ay sinamantala niya iyon upang magpapansin. Sa tulong ng kanyang pinsan at kaibigan ay inilunsad nila ang Operation: Escaping the Friend Zone. Nagpaganda siya, nagpa-sexy at pasimpleng inakit-akit ang binata. Tumalab naman ang effort niya dahil nakikipaglandian na rin sa kanya sa wakas si Elliot. Landiang humantong sa pagtatalik. Paulit-ulit na pagtatalik.
Akala ni Candy ay natakasan na niya ang friend zone, ngunit friends with benefits naman yata ang napipintong kabagsakan ngayon. Paano pa niya aasahang mamahalin din siya ni Elliot gayong si Aleli pa rin pala ang mahal nito hanggang ngayon?