"Para ka nang isang malagkit na bagay na nakapagkit sa utak at puso ko. Nasasabik akong makita ka kahit hindi ko masabi ang nararamdaman ko."
Nang makilala ni Anna si Isagani, ang guwapong kapitbahay niya, naidasal niyang sana ay mapansin siya nito. Napansin naman siya nito. Ngunit hindi bilang babae kundi bilang isang handyman.
At todo ang hinagpis niya nang malamang sa ibang babae ito interesado.
"Don't worry, Anna. Gagawan ko ng paraan para mawala sa eksena si Kristie," alo sa kanya ng best friend niyang si Frandy.
Akala niya ay okay na ang lahat dahil lately ay naglalalapit na sa kanya si Isagani. Sa tingin nga niya ay may pagtingin na rin ito sa kanya.
Ngunit isang araw ay ginulat siya nito sa sinabi. "Totoo bang pinlano n'yo ni Frandy na agawin sa akin si Kristie para mabaling sa 'yo ang pansin ko?"
How she wished at that moment na lumubog na lang siya sa kinatatayuan niya. Dahil hindi niya makayanan ang galit na nakikita niya sa mga mata nito.