“Sa totoo lang, ikaw lang ang minahal ko nang ganito. Bakit naman hindi? Ikaw lang ang nagmahal sa `kin nang sobra-sobra, nang higit pa sa inaasahan ko, at higit pa sa kailangan ko.”
Umalis ng bansa si Diane nang kailanganin siya ng pamilya niya sa Australia. Bago pa man siya magtungo roon ay isinuko na niya ang pag-ibig niya kay Alfie, ang longtime ultimate crush niya. Pagkalipas ng isang taon ay bumalik siya sa Pilipinas at nagtrabaho sa Cupid’s Haven bilang manager.
Nangako siya sa sarili niyang hindi na uli siya mahuhulog kay Alfie. Bakit pa? Eh, patay na patay ang lalaking iyon sa fiancée nitong ilang taon nang missing in action. Ngunit nang naghiwalay ang dalawa, kinalimutan niya ang pangako niya na hindi na uli siya mai-in love kay Alfie. Siniguro niyang naroon siya sa tabi nito sa lahat ng panahong kailangan nito ng kausap at kasama. Hanggang sa mahulog din ang loob nito sa kanya.
Everything seemed so right. Ngunit nagbalik ang dating fiancée ni Alfie.